Winika ni Balagtas ating balikan
Pag-ibig daw... "labis makapangyarihan."
Kapag pinana't sa puso'y tinamaan
Utak ay lumilipat sa talampakan

Wika nila'y kapag tumibok ang puso
Pupungay ang mata tutulis ang nguso
Lutang at tulala parang tinotoyo
Nagiging pasaway tumitigas ang bungo.

Kapag umibig lahat ay sasawayin
Mga bilin ni nanay 'di papansinin
Upang ang kasintahan ay makapiling
Mataas man ang bakod ay aakyatin.

Basta't ang pag-ibig ay masunod lamang
Basta't kasama mahal na kasintahan
Tatakas at lahat ay tatalikuran
Magiging bingi't magbubulag-bulagan.

Animo kasi na shabu ang pag-ibig
Kapag tinamaan ka'y t'yak na maaadik
Harangan ka man ng sibat o ng kampit
Bisig ng sinta mo'y yayakaping pilit.

Kung bakit ganoon mahirap sagutin
Hiwaga ng pag-ibig mahirap arukin
"Gamitin ang isip…" kay daling sabihin
Ngunit tibok ng puso'y  mahirap pigilin.

Pag-ibig ay kantang puso ang aawit
Isip ma'y matalas 'di ito malilirip
Pag-ibig… wikang puso lang ang gagamit
'di mabibigkas ng pipi't binging isip.


This post is ad-supported